Pag-IBIG MPL, mas pinalaki at mas pinadali ang pag-qualify para sa mga miyembro
Mas pinahusay ng Pag-IBIG Fund ang Multi-Purpose Loan (MPL) nito upang mas malaki na ang maaaring mahiram ng mga miyembro, mas maikli na ang panahon upang mag-qualify, at mas maraming pagpipiliang repayment terms. Ayon sa ahensya, ang mga pagbabagong ito ay bunsod ng patuloy nitong pagtugon sa mga pangagailangan ng mga miyembro nito.
Sa ilalim ng mas pinagbuting Pag-IBIG MPL, maaari nang makahiram ang mga miyembro ng hanggang 90% ng kanilang kabuuang Pag-IBIG Regular Savings—mas mataas ng 12.5% kumpara sa dating 80%. Para sa mga miyembro dinagdagan at inupgrade ang kanilang regular savings, lalo pang tataas ang kanilang loan amount dahil nakabase sa kanilang ipon ang kanilang mahihiram. Sa kabuuan, mas malaki ang maaaring matanggap ng mga miyembro mula sa MPL upang lalong makatugon sa kanilang pangangailangan. Ang mga pagbabagong ito—mas mataas na halaga at mas mabilis na eligibility—ay ipatutupad din sa iba pang Short-Term Loan programs ng Pag-IBIG, tulad ng Health and Education Loan Programs (HELPS) at Calamity Loan.
Bukod sa mas malaking loan amount, mas pinaiksi rin ang panahon para maging eligible ang mga miyembro. Sa ilalim ng pinahusay na programa, maaari nang mag-loan ang mga aktibong miyembrong may 12 buwang hulog sa Pag-IBIG – mas mabilis ito kumpara sa dating requirement na 24 buwan. Dahil dito, mas maaga nang makaka-access ng pondo ang mas maraming miyembro para sa kanilang mga agarang pangangailangan. Samantala, ang mga miyembrong may existing loan sa ilalim ng dating guidelines ay maaari ring mag-apply muli sa enhanced MPL kung kailangan pa nila ng karagdagang cash dahil sa mas mataas na loan entitlement. Ang mga pagbabagong ito ay magiging available simula Mayo 16.
Kabilang din sa mga pagbabago sa Pag-IBIG MPL ang bagong one-year repayment term bilang dagdag na opsyon sa existing na two at three-year terms nito. Nagbibigay ito ng karagdagang flexibility para sa mga miyembro, upang lalong maiakma ang buwanang bayad sa loan sa kanilang financial capacity.